Police visibility sa mga pampublikong lugar ngayong araw, mas pinaigting

Inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos ang mas pinaigting na police visibility sa mga lugar na tradisyonal na pinupuntahan ng mga tao ngayong araw ng mga puso.

Ayon kay PNP chief, “security concern” para sa PNP ang pagdiriwang ng Valentine’s Day dahil may pandemya pa rin sa bansa, at hindi dapat magpakakampante dahil kailangang masunod ang health protocols.

Aniya, gusto niyang maiwasan ng PNP ang pagkakaroon ng mga malalaking pagtitipon na maaring maging super spreader events, kaya aktibo nilang mino-monitor ang galaw ng mga tao hanggang mamayang hating gabi.


Ang karagdagang mga pulis na dineploy ngayong araw ay magsisilbi rin aniyang “deterrent” sa mga kriminal.

Payo naman ng PNP chief sa mga makikipag-date ngayong araw, iwasang makipagkita sa mga taong hindi gaanong kilala, at huwag magdala ng mamahaling gamit o malaking halaga ng cash, para maiwasang mabiktima ng mga manloloko.

Facebook Comments