Pinasisilip nina House Speaker Lord Allan Velasco at Deputy Speaker Bernadette Herrera ang mga polisiya at guidelines ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa mga gamot na pinapayagang ipanggamot sa mga maysakit ng COVID-19.
Sa House Resolution 1711, pinakikilos ng dalawang kongresista ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” kaugnay sa mga policies at guidelines ng DOH at FDA sa registration, utilization, manufacture, distribution at sale ng mga gamot laban sa COVID-19.
Partikular na ipinasisilip ang mga alintuntunin ng dalawang ahensya sa mga gamot na posibleng ikapahamak ng publiko.
Nakasaad sa resolusyon na noong Marso 31,2020 ay nag-isyu ang DOH ng memorandum na nag-a-adopt sa clinical practice guidelines sa COVID-19 habang ang FDA ay nag-isyu naman ng circular kaugnay sa guidelines ng pagpaparehistro ng “drug products under emergency use” (DEU) para sa COVID-19.
Magkagayunman, nakukwestyon ang FDA circular at ang iba pang guidelines dahil sa hindi makatwiran, burukratiko at hindi makataong naidudulot nito sa pagkaantala ng pag-apruba at pagbibigay ng clearance sa mga gamot para sa Emergency Use Authorization sa ilalim ng Compassionate Special Permit (CSP).