Umapela si Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go sa pamahalaan na baguhin ang polisiya sa pagbabakuna upang maitaas ang vaccination rates sa bansa.
Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna na rin ng nilagdaan na Executive Order (EO) No. 3 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan ginagawang optional na lamang ang pagsusuot ng face masks sa open spaces o sa mga hindi naman masisikip na outdoor areas.
Hirit ni Go na baguhin ang estratehiya ng gobyerno upang lalong mahikayat ang mga kababayan na magpabakuna ng booster na dagdag proteksyon laban sa COVID-19.
Tinukoy ni Go na pagdating sa vaccination rate sa bansa ay mataas ang bilang ng unang dalawang doses pero ang booster ay hindi pa umaabot ng 50%.
Sinita rin ng senador ang kakulangan sa information drive para ipaunawa sa mga tao na hindi pa sapat ang inisyal na dalawang doses laban sa COVID-19.
Kailangan aniyang paigtingin pa ang information campaign sa pagpapa-booster upang mahimok ang mga tao na magpabakuna ng booster.
Hinimok din ni Go ang mga health officials at iba pang kaukulang ahensya na siguruhing hanggang sa mga rural areas ay makakarating ang mga booster shots.