Sinopla ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang paglilimita ng Commission on Higher Education (CHED) sa face-to-face classes para lamang sa mga fully-vaccinated na guro at mga mag-aaral.
Giit ng kongresista, ang pagoobliga sa polisiyang ito ay paglabag sa Konstitusyon partikular sa karapatan ng mga kabataan sa “free quality education” at karapatan sa pagpili ng bawat Pilipino.
Tinawag din na “discriminatory” ni Castro ang hindi pagpayag na makabalik sa paaralan ang mga hindi pa nababakunahan lalo’t mayroong limitasyon pa sa pag-access ng COVID-19 vaccines tulad sa mga probinsya.
Tinukoy pa ng mambabatas na kawawa sa polisiyang ito ang mga estudyanteng nasa lugar na may mahirap na access sa internet at kulang ang resources para sa pag-aaral sa kolehiyo.
Kung ipipilit aniya ng CHED ang polisiya, hindi lamang libu-libo kundi milyun-milyong mga estudyante ang mapagkakaitan sa pagkakaroon ng de kalidad na edukasyon.
Hindi aniya dapat nakabatay lang sa vaccination status ng mga guro at mag-aaral ang ligtas na pagbabalik sa klase kundi dapat ay tinitiyak ng CHED na ang bawat unibersidad o kolehiyo ay may sapat na pasilidad, maayos na bentilasyon at sumusunod sa minimum health standards.