Pinuri ng isang maritime expert ang inilabas na pahayag kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa paninindigan ng Pilipinas sa naipanalong arbitral ruling noong 2016 laban sa China sa isyu sa West Philippine Sea.
Para kay Prof. Jay Batongbacal, direktor ng UP Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea, indikasyon ito ng pagiging matigas ng bansa sa ginagawang panggigiit ng China.
“Ang Pilipinas at least, nitong mga nakaraang linggo, mukhang nagpapakita ng gilas ika nga. So far, kahapon, nag-isyu ng mahalagang statement ang Department of Foresign Affairs, si Sec. Manalon na inuulit nga na ang China ay dapat na sumunod sa batas, sa internation law,” ani Batongbacal sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
“Ito ay mahusay na senyales para ipakita na ang Pilipinas at patuloy na aniniwala na dapat lahat ng bansa at sumunod sa batas at ang mga hidwaan diyan sa West Philippine Sea ay dapat maresolba ayon din sa batas,” dagdag niya.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Batongbacal sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na huwag gayahin ang naging polisiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, masyado kasing naging mapagbigay si Duterte sa China kung kaya‘t nagagawa nito ang mga gusto nilang gawin sa West Philippine Sea.
“Sa kabila ng pagmamagandang loob e ang naging sagot ng China pa rin e pagmamatigas at pagpilit niya na palayasin tayo sa West Philippine Sea kahit ito ay labag sa batas. In that sense, syempre bagsak na ang polisiya ng administrasyong Duterte na mapagbigay,” saad ng maritime expert.
“Ito dapat sana yung isaisip ng Marcos administration ‘no, na yung ganung polisiya hindi talaga epektibo at lalo lang tayong napapasama ang sitwasyon kung ganon,” giit pa niya.