Polisiya para sa deployment ng mga OFW, pinare-review ng Senado

Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Migrant Workers (DMW) na isailalim sa review ang mga polisiya para sa Overseas Filipino Workers (OFW) deployment.

Ang apela ng senador ay kaugnay na rin sa pinakahuling kaso ng brutal na pagpatay sa Pinay OFW na si Jullebee Ranara sa Kuwait na kagabi lang ay naiuwi na sa bansa ang mga labi.

Hirit ni Go sa DMW na pag-aralang mabuti ang mga polisiya para sa deployment ng mga OFW sa ibang mga bansa upang mas mabigyan ng proteksyon ang ating mga kababayan laban sa mga mapang-abusong mga amo.


Ipinunto pa ni Go na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na may Pinay OFW na pinatay sa Kuwait.

Noong 2018 aniya ay nadiskubre sa isang abandonadong warehouse ang bangkay ng OFW na si Joanna Demafelis at noong 2019 ay pinatay rin ng kaniyang employer ang household service worker na si Jeanelyn Villavende.

Batid ng senador na hindi rin mapipigilan ang mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa dahil sa malaking sahod ngunit dapat ay sinisiguro ng pamahalaan na may mga hakbang na titiyak sa proteksyon at karapatan ng mga OFW.

Umapela rin si Go na agad kumilos ang ahensya at tiyaking hindi na mauulit ang kaparehong insidente ng pagpaslang sa kababayan.

Facebook Comments