Hiniling ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa National Bureau of Investigation (NBI) na resolbahin ang agwat sa ipinatutupad na polisiya nito sa ahensya.
Sa moto proprio investigation ng Senado patungkol sa insidente ng pagtakas ng high-profile inmate na si Jad Dera sa NBI detention facility, nasita ni Dela Rosa kung bakit ipinagkatiwala ng NBI sa mga job order security officers ang pagbabantay sa isang high-profile detainee.
Si Dera kasi ay co-accused ni dating Senator Leila de Lima sa mga natitira nitong kaso tungkol sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Dela Rosa, nagtataka siya kung bakit ang isang prestihiyosong institusyon tulad ng NBI ay ipinagkatiwala ang isang high-profile inmate tulad ni Dera sa mga kamay ng mga jail guard na job order.
Iginiit ng senador na anumang gawing pagkakalat ng mga ito ay wala silang responsibilidad at walang ring pananagutan.
Dahil aniya sa nangyari na pagtakas ni Dera kung saan kasabwat ang anim na security officers, buong institusyon ang nadamay at reputasyon ng NBI ang nakasalalay rito.
Hiniling pa ni Dela Rosa sa NBI na laliman pa nang husto ang imbestigasyon dahil posibleng hindi lang si Dera ang inmate na tumatakas at baka normal na kalakaran na ito sa ilang mga security personnel na nageescort ng mga high-profile detainees.