Ipinauubaya na sa mga Local Government Unit (LGU) ang polisiya sa paglabas ng mga bata partikular ang mga toddler ngayong ibinaba sa Alert Level 2 ang quarantine classification sa Metro Manila.
Kasunod ito ng kaso ng isang dalawang taong gulang na bata na nagpositibo sa COVID-19 ilang araw matapos itong mamasyal sa mall.
Sa briefing ng House Committee on Trade and Industry, humingi ng tulong ang mga mall operators sa maaaring gawin lalo’t naging hamon sa kanila ang pagdagsa ng mga tao at pamilya sa mall na may kasamang bata at sanggol.
Tinukoy pa na ang mga sanggol at toddlers ay hindi naman mapagsusuot ng face mask.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Dir. Alethea de Guzman, sa ilalim ng Alert Level 2 tulad na ipinatutupad sa National Capital Region ay wala nang age-related mobility restrictions.
Magkagayunman, ipinapasa na sa LGU ang desisyon sa paglalabas ng ordinansa na maglilimita sa galaw ng mga bata lalo na ang mga toddlers.
Samantala, umapela naman si OCTA Research fellow Dr. Guido David na tiyakin ang pagsusuot ng face mask lalo na sa mga menor de edad na hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Iginiit ni David na kahit bumababa na ang naitatalang kaso sa Pilipinas ay mahalaga pa ring tingnan ang sitwasyon sa ibang bansa tulad sa United Kingdom na tumataas ngayon ang infection rate sa mga school-aged children.