Patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan kung babawiin o hindi ang restrictions sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa.
Ito ang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang non-essential travel para sa mga Pilipino simula sa October 21.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, batid nila na may mga dayuhan na nais magbakasyon kasama ang kanilang mahal sa buhay dito sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Nograles, sisilipin nila ang hiling ng ilang foreign workers sa pamamagitan ng case-by-case basis.
“If it’s work related and necessary or desirable or important or urgent ‘yung type na work na kailangang gawin sa bansa, dumadaan sa proseso ‘yan. There’s a process na kailangan sundin, mga papeles, mga requirements na kailangan ipakita para payagan ang foreigner na pumunta dito inbound,” sabi ni Nograles.
Nilinaw ni Nograles na ang mga Pilipinong mayroong dual citizenship at mayroong Philippine passport ay maaaring pumasok sa bansa.
“If you don’t have a Philippine passport, then you will be treated as a foreign national subject to the same rules, must be work related, must submit papers. It will be case-to-case basis,” ani Nograles.
Matatandaang hinigpitan ng gobyerno ang pagpasok ng mga dayuhan sa Pilipinas mula nitong Marso bilang pag-iingat sa Coronavirus outbreak.