Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagbagal ng inflation rate sa bansa nitong Agosto matapos bumaba sa 3.3% mula sa 4.4% noong Hulyo.
Ayon kay Pangulong Marcos, malaki ang naging papel ng mga ipinatupad na polisiya sa suplay ng agricultural products at pagkain para bumagal ang bilis ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong nakaraang buwan.
Patunay na aniya rito ang pagbagal ng rice inflation sa 14.7% mula sa 20.9% na epekto umano ng ipinatupad na tapyas sa taripa ng imported na bigas.
Gayundin ang pagpapatatag ng presyo ng transportasyon at gasolina, na nakatulong umano sa pagpapagaan ng pasanin ng publiko.
Dahil dito, target ng Pangulo na palawakin pa ang “KADIWA ng Pangulo” program sa Visayas at Mindanao para masiguro ang access ng publiko sa abot-kayang bilihin.
Umaasa rin aniya siyang makatutulong ang pagsisimula ng roll out ng African Swine Fever (ASF) vaccine para matiyak ang sapat na suplay ng karneng baboy at maiwasan ang pagsipa muli ng presyo nito.
Tiniyak ng Pangulo ang patuloy na pagkilos ng pamahalaan para makamit ang mas komportableng buhay, sa pamamagitan ng pagbibigay ng dekalidad na trabaho at murang bilihin.