Polisiya sa testing at isolation sa mga OFWs, pinare-review

Kinalampag ni Deputy Speaker Bernadette Herrera ang Inter-Agency Task Force (IATF), Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ayusin ang polisiya na ipinatutupad para sa testing at isolation na ipinatutupad sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at returning Overseas Filipinos (ROFs).

Ang apela ng kongresista ay kasunod na rin ng pag-alma ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mabagal na paglalabas ng swab test results ng mga OFW.

Iginiit ni Herrera na bisitahin at rebisahin ng mga nabanggit na tanggapan ang polisiya at mga hakbang na ipinatutupad sa mga OFW bago sila mapayagan makauwi sa mga pamilya.


Bukod kasi aniya sa delayed na paglalabas ng RT-PCR test ng mga OFW, may mga nakarating ding sumbong sa kanya na limang araw o higit pa na nananatili sa hotel ang mga OFW pero hindi pa rin naisasailalim sa swab test.

Sinabi ni Herrera na bagama’t nauunawaan niya na napupuno ng trabaho at nagkakaroon ng congestion sa RT-PCR testing dahil sa biglang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, ipinunto ng lady solon na nararapat pa rin na maibigay sa mga OFW at ROF ang nararapat na serbisyo.

Tinukoy ni Herrera na habang tumatagal ang mga araw na hindi naisasailalim sa COVID testing at nasa hotel lamang ang mga OFWs at ROF ay mas malaking pondo ng gobyerno ang nasasayang dito.

Facebook Comments