Hinihikayat ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang Department of Health (DOH) na rebisahin ang panukalang polisiya para sa pagbili ng bakuna.
Kasunod ito ng proposal ng DOH na alisin ang ilang industriya sa pagpasok sa tripartite vaccine procurement agreement.
Ngayon aniya ang panahon na matindi ang pangangailangan para sa bayanihan at mahalagang ma-i-rollout ng malawakan ang vaccine program sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Quimbo, hangga’t ang mga kompanya ay lehitimo, dapat na payagan ang mga ito na makiisa sa vaccine program ng bansa.
Giit ng mambabatas, dapat pagbasehan ng DOH sa prioritization sa pagpili ng kompanya para sa vaccine procurement ay risk assessment at hindi sa industry affiliation.
Paliwanag ng kongresista, hindi sapat ang ₱72.5 billion sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act at ₱10 billion sa ilalim ng Bayanihan 2 para mabigyan ng COVID-19 vaccines ang 70 milyong mga Pilipino.
Mangangailangan pa aniya ng ₱140 billion para makuha ang vaccine target kaya ang donasyon mula sa mga pribadong kompanya ay malaking tulong sa pamahalaan.