Polisiya sa window hours na ipinatutupad sa provincial buses, binigyang linaw ng MMDA

Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang polisiya sa window hours na ipinapatupad sa provincial buses na matatandaang nagdulot ng kalituhan.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na batay sa umiiral na polisiya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lahat ng provincial buses ay dapat lamang na magbaba at magsakay ng mga pasahero sa North Luzon Express Terminal sa Bocaue, Bulacan at sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Ayon kay Artes, pinagbigyan ng LTFRB ang hirit ng MMDA matapos na umapela ang mga provincial bus operators na payagan silang pumasok at dumaan sa EDSA simula 10pm hanggang 5am, sa loob ng dalawang linggong dry run na nagsimula noong huling linggo ng Marso.


Kasunod nito, binigyang diin ni Artes na hindi ipinagbabawal na mag-operate nang lagpas sa nasabing window hours ang mga provincial buses sa kondisyon na hindi sila magbaba at magsasakay sa kani-kanilang mga pribadong terminal at sa halip ay gagamitin nila ang integrated terminals o ang NLET at PITX.

Giit pa nito nagkaroon din ng gentleman’s agreement dahil pinayagan ng LTFRB ang lahat ng provincial buses na dumaan sa kahabaan ng EDSA at gamitin ang kanilang Metro Manila terminals nuong Semana Santa hanggang April 19 at muling ipinatupad ang window hours scheme nitong Miyerkules, Abril a-20.

Facebook Comments