Posibleng mabago pa ang mga alituntuning ipapatupad para sa mga militanteng grupong magpo-protesta sa darating na ikalimang State of the Nation Adress (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 27, 2020.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Debold Sinas, nakatanggap sila ng guidelines mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa pagbabawal sa pagtitipon sa SONA.
Dahil dito, makikipag-usap muli ang pulisya sa concerned stakeholders tungkol sa posibleng pagbabago kung saan kasama ring tatalakayin ang usapin sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na hindi gagamiting rason ng PNP ang COVID-19 para arestuhin ang mga magkikilos-protesta sa SONA.
Hangga’t nasusunod naman kasi aniya ang mga health protocols tulad ng social distancing at pagsuot ng face mask ay hindi sila lalampas sa kanilang limitasyon.
Sa ngayon, nagbaba na ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga militanteng grupo, kung saan hindi na papayagang mag-protesta ang mga ito sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.