Manila, Philippines – Inaasahan na ng Commission on Elections (Comelec) na bubugso ngayong linggo ang political activities lalo at nasa huling ratsada na ng campaign period.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez – dapat paghandaan ng mga Local Government Units (LGUs) ito dahil buong pwersa nang ibubuhos ng mga kandidato ang kanilang pangangampanya sa huling linggo ng kampanyahan.
Ipinaalala ni Jimenez ang mga LGU na tiyaking nasusunod ang proper campaign procedures.
Aniya, sa huling linggo ng campaign period ay inaasahang dadami ang bilang ng motorcades, miting-de-avance at rally.
Ang miting-de-avance ay hindi dapat lalagpas ng higit 24-oras.
Nagpaalala rin ang poll body sa mga kandidato na tumalima sa rules and regulations ukol sa political rallies at iba pang campaign activities.
Inaasahang magtatapos ang campaign period para sa national at local candidates sa Sabado, May 11.