Political dynasty, nagsusulong ng ‘warlordism’ ayon kay Senador Lacson

Nagpahayag ng mariing pagtutol si independent presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson sa political dynasty dahil nagsusulong lang ito ng warlordism sa bansa.

Ginawa ni Lacson ang pahayag sa isinagawang ikalawang presidential debate na inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC) kagabi matapos na tanungin ang mga kandidato kung dapat ba na panatilihin ang “political dynasties” sa ating bansa? At kung hindi, ano ang solusyon dito?

Ayon kay Lacson, ang masamang dulot ng political dynasty ay nagpo-promote ito ng warlordism lalo sa mga malalayong lugar na halos hindi inaabot ng presensya ng national government.


Paliwanag ni Lacson na papalit-palit lamang ang mga magkakamag-anak na politiko at doon na lumalabas ang pang-aabuso sa pondo at sa mga kababayan dahil nawawala na ang check and balance.

Kung siya ang tatanungin, ayaw niya ng political dynasty sa bansa.

Mungkahi pa ni Lacson na kailangan talaga na magkaroon ng enabling law sa lalong madaling panahon para ipaliwanag kung anong degree ng relasyon na mga ipagbabawal kung magkaroon man ng batas ang political dynasty.

Facebook Comments