Politika sa likod ng paghahain ng resolusyong humihimok sa pamahalaan na makiisa sa imbestigasyon ng ICC patungkol sa madugong war on drugs, itinanggi ni Sen. Risa Hontiveros

Itinanggi ni Senator Risa Hontiveros na may politika sa likod ng kanyang paghahain ng resolusyon patungkol sa paghikayat sa pamahalaan na makiisa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong war on drugs.

Kung mababatid kasi, ang Kamara ang naunang naghain ng parehong resolusyon kung saan kinwestyon ni Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang ‘timing’ dahil mayroong namumuong gusot ngayon sa pagitan ng ilang mga kongresista at kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Hontiveros, kung timing lang din ang pag-uusapan, pitong taon nang delayed ang resolusyon na ito para sa mga pamilya at mga naulila ng mga naging biktima ng kampanya kontra iligal na droga.


Mariing itinatanggi ni Hontiveros na may kinalaman sa timing ng gulo sa Kamara o sa mga away ng kung sino ang inihain na resolusyon kundi ito ay para sa mga humihingi ng hustisya na mga pamilya ng mga biktima ng extra judicial killings.

Bukod dito, hindi naman na bago ang resolusyon dahil taong 2017 ay nagsagawa na sila ng imbestigasyon sa mga naging biktima ng war on drugs tulad sa napatay na 17-anyos na si Kian delos Santos.

Facebook Comments