Inihahanda na ng Commission on Election (COMELEC) En Banc ang mga poll paraphernalia para sa pagsasagawa ng special elections sa 14 na barangay sa Lanao del Sur kung saan idineklara ang “failure of elections.”
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, magbibigay lamang ang poll body ng 1,374 na bagong printed ballots.
Ito kasunod ng mga ulat na nabigo ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na makuha ang 798 na ninakaw na balota para sa apat na clustered precincts sa Barangay Ragayan, Butig habang ang nangyaring karahasan sa Barangay Pindolonan, Binidayan ay nagresulta sa pagkasira ng mga VCM at 576 na opisyal na balota para sa tatlong clustered precincts nito.
Sa kabuuan, nasa 8,295 na rehistradong botante ang naapektuhan ng “failure of elections” sa mga naturang lugar.
Tiniyak naman ni Laudiangco ang mabilis na pag-imprenta ng mga balota para sa mga lugar na ito at wala aniyang magiging problema sa mobilisasyon ng mga election paraphernalia dahil naka-standby na ang security forces at ang COMELEC field personnel.
Samantala, wala pang pinal na desisyon ang COMELEC kung kalian gagawin ang special elections sa 14 na barangay sa Lanao del Sur.