Ilang residente ang naghain ng reklamo ukol sa pangambang dulot ng polusyon mula sa paggawa ng uling at backyard piggery sa Brgy.Manaol, Pozorrubio.
Hinaing ng mga residente, nagdudulot ng iba’t ibang sakit ang polusyon dahil nalalanghap ito ng ilan, lalo na ang mga may problema sa kalusugan.
Sa isang pagtitipon tinalakay ng Municipal Environment and Natural Resources Office ang regulasyon na nakasaad sa DENR Administrative Order No. 2022-05, na kinakailangang kumuha ng Wood Charcoal Production Permit (WCPP) ang sinumang magsasagawa ng pag-uuling kung saan nakasaad rin na ilan lamang uri ng punong kahoy ang maaaring gawing uling.
Ang mga lalabag ay maaaring managot sa ilalim ng Republic Act 7161 o ang Revised Forestry Code, Republic Act 8749 o ang Philippine Clean Air Act, gayundin sa mga umiiral na lokal na ordinansa at iba pang alituntunin.
Bukod sa problema sa uling, pinulong din ng Local Government Unit (LGU) Pozorrubio ang mga residente ukol sa backyard piggery.
Ayon sa tanggapan, nararapat na magkaroon ng sariling septic tank ang mga babuyan upang maiwasan ang pagdaloy nito sa mga katubigan na maaaring pagmulan ng masangsang na amoy at water-borne diseases.
Positibo naman ang tanggapan sa pagtalima sa mga itinakdang regulasyon upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang operasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










