PONDO | 2019 budget, tatapusing talakayin sa plenaryo sa susunod na linggo

Iraratsada na sa plenaryo sa susunod na linggo ang deliberasyon para sa P3.757 Trillion 2019 national budget.

Planong tapusin mula Lunes, September 17 hanggang Biyernes September 21 ang budget deliberations.

Magiging maghapon ang debate sa plenaryo na sisimulan tuwing alas dyes ng umaga na uumpisahan ng sponsorship ni House Committee Appropriations Chairman Karlo Nograles.


Unang sasalang sa plenaryo ang DOF, COA, NEDA, DOT, DAR, DND at DepEd.

Sa susunod na linggo din ipapasok ang mga amendments partikular na ang pagbabalik ng mga tinapyas na pondo sa ilang mahahalagang ahensya ng gobyerno.

Matatandaang nabinbin ang pagdinig sa budget sa Kamara dahil sa kalituhan at hindi pagkakasundo sa cash based budgeting system at obligation based budgeting system.

Sa huli, nagkasundo ang ehekutibo at lehislatibo na “hybrid” o pinagsamang cash-based at obligations based ang aaprubahang 2019 budget.

Target ng Kamara na maaprubahan ang pambansang pondo sa ikalawa at ikatlong pagbasa hanggang sa katapusan ng Setyembre at inaasahang mapipirmahan ito ni Pangulong Duterte bago matapos ang taon.

Facebook Comments