Manila, Philippines – Nanindigan ang Senado na malabo nang maipasa ang ₱3.757 trillion 2019 national budget ngayong taon.
Ito ay kahit irekomenda pa ni Budget Secretary Benjamin Diokno kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng isang special congress session.
Sina Senate President Tito Sotto III at Senate Minority Leader Franklin Drilon ay nananatiling malamig sa mga suhestyon na aprubahan ang general appropriations bill ngayong buwan.
Ayon kay Sotto – wala nang oras para talakayin ang budget bill.
Aniya, sa Enero na talaga ito matatalakay.
Diin pa ni Sotto – hindi dapat minamadali ang pagbusisi sa allocations para sa susunod na taon lalo at may isyu tungkol sa mga umano ay isiningit na pork barrel funds sa budget.
Isinisi naman ni Drilon ang Kamara sa pagka-antala ng budget approval.
Nakatakdang ituloy ngayong araw ng Senado ang deliberation sa budget bill na inaasahang maaprubahan sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa January 14.