Manila, Philippines – Itinanggi ni dating House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na may kinalaman siya sa ‘parking funds’ o yung mga pondong inilalaan sa mga piling distrito na hindi nalalaman ng kongresistang nakakasakop dito.
Ito ay matapos ibunyag ni House Minority Leader Danilo Suarez ang ganitong sistema matapos na sumingaw ang P55 Billion na isiningit na pondo sa 2019 budget.
Ayon kay Fariñas, wala siyang anumang impormasyon tungkol sa ‘parking funds’.
Hinamon pa ng kongresista na silipin ang mga proyekto sa kanyang mga distrito na aniya’y naka-itemized at may nakatakdang specific amounts.
Wala din umanong lump sum projects na makikita sa kanyang distrito.
Sinabi pa nito na lahat ng mga proyekto sa kanyang distrito ay nakalagay sa isinumiteng National Expenditure Program ng Malakanyang.
Maliban dito, hindi pa din niya nakikita ang listahan ng umano’y “parking funds”.
Hiniling ni Fariñas sa Appropriations Committee na bigyan siya ng kopya ng sinasabing “parking funds” sa oras na makabalik siya sa trabaho sa Kongreso matapos na salantain ng bagyong Ompong ang kanyang distrito.