Pondo ng bayan, tiniyak ng Malacañang na hindi gagamitin sa mga okasyong pampamilya ng mga Marcos.

Siniguro ng Malacañang na walang pondo ng bayan ang nalustay sa ika-93 kaarawan ni dating First Lady Imelda Marcos nitong nakalipas na Sabado, July 2.

Sa Press Briefing sa Malacañang, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na walang pagmamalabis si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung ano ang nakasaad sa batas.

Dagdag pa ni Angeles na susunod ang pangulo sa batas.


Nitong weekend ay lumabas sa social media ang mga larawan at video ng sosyalan sa Malacañang kaugnay ng kaarawan ng dating first lady maging ng ilang billboard ng larawan nito.

Umani ito ng mga batikos at pangamba sa posibleng muling pagkabuhay ng kinahihiligang party ng pamilyang Marcos.

Ayon sa kalihim, hindi naman ang Malacañang o ano pa mang tanggapan ng gobyerno ang naglagay ng billboard kaya walang dahilan para sila magkomento hinggil dito.

Magbibigay lamang aniya sila ng pahayag kaugnay sa official policy, issuance o pahayag ng pangulo.

Matatandaang nagdiwang ng ika-93 na kaarawan si dating First Lady Imelda Marcos sa Rizal Hall ng Malacañang kung saan karaniwang ginagawa ang mga state visit at official functions ng pangulo ng bansa.

Facebook Comments