Nanawagan si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Malacañang na dagdagan ang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pantulong sa Overseas Filipino Workers (OFWs).
Paliwanag ni Recto, ngayong taon ay 300 million pesos na lang ang natitira sa 1 bilyong pisong pondo ng DFA para sa OFW assistance.
Bunga ito ng repatriation sa maraming OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Diin ni Recto, kulang na kulang ang natitirang salapi dahil sa Saudi Arabia pa lamang ay mangangailangan na ng 3.2 billion pesos sa pagpapauwi sa 80,000 OFWs doon.
Binanggit ni Recto ang sinabi ng Ambassador ng Pilipinas sa Saudi Arabia na 35,000 pesos ang gastos sa kada uuwing Pilipino dahil sa malaking pamasahe sa eroplano.
Paalala ni Recto, napakalaki ng ambag sa ating ekonomiya ng OFWs tulad ng mga mangagawa sa Saudi Arabia kaya moral duty ng gobyerno na tulungan silang makabalik sa bansa para makasama ang kanilang pamilya.