Pondo ng DOE, dapat dagdagan para sa mga panukalang magpapababa ng presyo ng enerhiya

Aabot sa P46 milyon ang ipinanukala ni Senador Sherwin Gatchalian na dagdag sa budget ng Department of Energy (DOE) para sa susunod na taon.

Ito ay para mapondohan ang pagsasaliksik sa mga umuusbong na mga teknolohiya na magiging daan para mapababa ang presyo ng enerhiya sa bansa.

Giit ni Gatchalian na siyang chairman ng Senate Energy Committee, kailangan nating mamuhunan sa mga pag-aaral para matuklasan ang mga alternatibong mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.


Ayon kay Gatchalian, ang makakalap natin dito ay makakapagpabago sa ating pamumuhay at kalaunan ay makakapagbigay katipiran sa ating mga gastusin.

Kabilang sa mungkahi ni Gatchalian ang paglalagak ng P20 milyon para sa pag-aaral sa energy transition, P20 milyon para sa isang comprehensive roadmap ng electric vehicles at P6 milyon para pag-aralan ang energy generation gamit ang pasilidad ng waste-to-energy.

Diin ni Gatchalian, importanteng gumawa ang DOE ng mga hakbang para mapag-aralang mabuti kung paano makakaagapay ang ating bansa sa mga pagbabago patungo sa pag-decentralize, digitalize at decarbonize ng sistema sa enerhiya habang isinasaalang-alang ang seguridad at presyo nito.

Facebook Comments