Pondo ng DOH, DSWD at NTF-ELCAC, dadaan sa butas ng karayom; unspent funds ng ilang ahensya, gigisahin sa budget hearing

Nagbanta si House Committee on Appropriations Chairman Eric Go Yap na dadaan sa butas ng karayom ang pagbusisi sa mga panukalang pondo sa 2022 ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay Yap, bukod sa paghimay ng husto sa budget, pagpapaliwanagin ang DOH at DSWD sa pagpapatupad ng Bayanihan 1 at 2 na balot ng maraming isyu ang pondo tulad na lamang sa allowances at benepisyo ng mga healthcare workers at ayuda para sa mga Pilipinong apektado ng lockdown.

Sa ilalim ng panukalang 2022 national budget, ang DOH ay mayroon alokasyong P242 billion, habang P191.4 billion naman para sa DSWD.


Maging ang NTF-ELCAC ay mainit din sa mata ng mga kongresista lalo pa’t inihihirit na tanggalan ito ng budget kaya inaasahang magiging mainit din ang pagtalakay sa budget nito.

Samantala, tiniyak naman ni Deputy Speaker Bienvenido Abante na isa rin sa sisilipin ay ang “unspent funds” o pondong hindi nagamit partikular na sa budget sa pantugon sa COVID-19 response.

Dapat aniyang maipaliwanag ng mga ahensya kung papaanong aayusin ang bottleneck o iyong nagpapabagal sa proseso sa paggugol ng inilaang pondo.

Facebook Comments