Pondo ng DOH sa 2021, nabitin matapos suspendihin ang pagdinig dito

Ibinitin ng House Committee on Appropriations ang pagdinig sa panukalang 2021 budget ng Department of Health (DOH) matapos suspendihin ang pagdinig dito.

Bunsod ito ng mosyon ni House Committee on Public Accounts Chairman at ANAKALUSUGAN Rep. Mike Defensor matapos bigong maipaliwanag ng DOH kung paano ginugugol ang inilaang pondo para sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP).

Kinwestyon kasi ng kongresista na sa kabila ng malaking pondo na unang ibinibigay sa HFEP ay tila wala pa ring improvement sa mga basic health facilities sa bansa lalo na sa mga probinsya.


Iginiit ng kongresista na nakakapanghinayang na kada taon ay halos ₱20 billion ang inilalaan sa HFEP ngunit kahit maliliit na ospital sa tourist sites tulad ng Boracay ay walang naipatayo.

Bukod dito, halos wala ring ospital na mapagdalhan kahit na mild COVID-19 patients dahil karamihan sa mga public health care facilities ay kulang ang kagamitan.

Katunayan aniya, mula 2014 hanggang 2016 ay umaabot na sa ₱55 billion ang ipinondo sa HFEP.

Punto pa ni Defensor, sa ilalim ng Univesal Health Care Law ay pinalakas ng Pangulo ang pondo para sa health insurance, ngunit mas mainam kung maging ang mga ospital ay paiigtingin din ng kagawaran.

Facebook Comments