Pondo ng food mobilization program ng DA, hiniling ng isang senador na gamitin na para sa pag-aani at pagtaas ng suplay ng sibuyas sa bansa

Iminungkahi ni Committee on Cooperatives Chairperson Senator Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) na gastusin na ang nakatenggang pondo para matugunan ang problema sa suplay at mahal na presyo ng pulang sibuyas sa bansa.

Iginiit ni Sen. Marcos na balewala ang pagtatakda ng DA ng suggested retail price (SRP) ng sibuyas na P170 hanggang P250 kada kilo dahil mahigit sa apat na beses ang itinaas ng presyo ng sibuyas sa palengke na umaabot na ng hanggang P720 kada kilo.

Partikular na pinagagamit ng senadora ang P140 million mula sa 2021 budget na ni-realign o inilipat sa Food Mobilization Program ng DA para solusyunan ang napakamahal na presyo ng sibuyas.


Agad na pinagagamit ang nasabing pondo para mapabilis ang pag-aani at direktang makabili na ng lokal na sibuyas at mapadali ang paghahatid nito sa Metro Manila.

Mismong ang senadora ay kumilos na sa problema ng mataas na presyo ng sibuyas kung saan direkta nitong binili ang 300,000 kilo ng sibuyas mula sa mga kooperatiba ng mga magsasaka ng Nueva Ecija at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga alkalde ng Metro Manila para madagdagan ang mga Kadiwa store o outlets sa mga siyudad.

Facebook Comments