Pondo ng gaming industry para sa health, ipasisiyasat sa oversight committee sa pagbabalik sesyon

Ipasisilip ni Senator JV Ejercito sa oversight committee sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ang pondo ng gaming industry para sa kalusugan.

Batay sa nakalap na ulat ng senador, higit sa P90 billion ng gaming revenues mula pa noong 2019 ang hindi malinaw kung naibigay sa PhilHealth.

Malinaw aniya sa Universal Health Care Act na bukod sa sin taxes ay mapupunta rin sa PhilHealth ang bahagi ng kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sinabi pa ng senador na pumapaldo ang kita sa online gambling at kung ang operator nito ay hindi nagbabayad ng tama o hindi tumutupad sa obligasyon sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) ay mas lalong nawawalan ng dahilan para patuloy na pahintulutan ito.

Lumilitaw aniya tuloy na dalawa ang krisis na sabay na pumipinsala sa mga kababayan, ang laganap na adiksyon sa sugal at ang krisis ng hindi maayos na pagpapatupad ng UHC Law.

Facebook Comments