Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, pwedeng paabutin ng gobyerno hanggang ₱8 billion ang pondo sa fuel subsidy para sa mga driver sa pampublikong transportasyon, mga magsasaka at mangingisda.
Sabi ni Angara, sa pambansang budget ngayong taon ay mayroong ₱2.5 billion na nakalaan sa fuel vouchers para sa mga kwalipikadong public utility vehicles drivers tulad ng taxi, tricycle, full-time ride-hailing at delivery services.
₱500 million naman aniya ang pondo para sa diskwento sa langis ng mga mangingisda at magsasaka.
Diin ni Angara, bukod dito ay mayroon pang ₱5 billion na nasa ilalim ng unprogrammed appropriations na mula sa sobrang kita ng pamahalaan at mula sa pangungutang.
Paliwanag ni Angara, binigyan ng Kongreso ang ehekutibo ng poder na gamitin din ang nabanggit na halaga para sa fuel subsidies.