Pondo ng Mindanao, pinadadagdagan sa 2023 national budget

Pinadadagdagan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang pondo ng Mindanao sa ilalim ng pambansang pondo ng susunod na taon.

Sa hirit ni Rodriguez, pinatataasan niya ng 5% o ₱286 billion ang alokasyon ng Mindanao sa 2023.

Humiling pa ang kongresista kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na isama sa commitment nito sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) ang dagdag na pondo sa rehiyon.


Giit ni Rodriguez, nararapat lamang ang dagdag na budget sa Mindanao lalo pa’t noong 2020 census, nakapagtala ang rehiyon ng 26.3 million o 24% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas na 109.6 million.

Bukod dito, ang ambag ng Mindanao pagdating sa taunang output ng bansa sa mga produkto at serbisyo ay umaabot ng 17%.

Kung sakaling maitaas ang pondo ng Mindanao ay aabot na ito sa ₱936 billion at malaking tulong ito para sa mga mamamayan at sa pag-unlad ng rehiyon.

Facebook Comments