Pondo ng NTF-ELCAC, pinalilipat sa subsidy programs ng DSWD at DOLE

Hiniling ni Deputy Speaker Benny Abante sa mga kasamahang kongresista na i-reallocate ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa ibang ahensya na mas nangangailangan ng pondo sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa inihaing resolusyon ni Abante, hinikayat nito ang Kamara na ilipat ang ₱16 billion na alokasyon sa NTF-ELCAC sa subsidy programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Binigyang diin ng kongresista na mas dapat na iprayoridad ng pamahalaan ang ayuda o financial aid sa mga nangangailangan sa halip na unahin ang mga counter-insurgency body na lumilihis na sa tunay na mandato nito na “Whole-of-Nation Approach”.


Upang maibsan ang epekto ng pandemya, mas mainam aniyang gamitin ang pondo ng NTF-ELCAC para sa financial assistance at iba pang uri ng suporta na makakatulong sa mga kababayan at pamilyang may limitadong resources o wala na talagang mapagkukunan para matustusan ang mga pangangailangan.

Bagama’t kinikilala ng kongresista na may mahabang panahon na ng communist insurgency ang bansa, tila napabayaan naman ng NTF-ELCAC ang kanilang tungkulin dahil mas napapadalas ang red-tagging ng mga ito sa mga elected officials, mga mamamahayag, non-government organizations, aktibista, abogado, guro, celebrities, private citizens at ngayon ay mga organizers ng community pantries na iniuugnay sa mga rebeldeng komunista.

Facebook Comments