Pondo ng OP sa 2026, lusot agad sa interpelasyon ng plenaryo sa Senado

Mabilis na nakalusot sa plenaryo ng Senado ang budget ng Office of the President (OP) na aabot sa ₱27.3 billion at ang ₱854 million na budget ng Presidential Management Staff (PMS) para sa 2026.

Sa pagsalang ng OP budget sa plenaryo, wala pang limang minuto ay nagkasundo ang mga senador na iendorso ang OP at PMS budget para sa pag-apruba sa second reading.

Tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian na ito na ang ika-apat na beses na humarap si Executive Secretary Ralph Recto sa Senado na noong nakaraang linggo lamang ay kalihim ng Department of Finance (DOF).

Nagmosyon si Senator Jinggoy Estrada na i-terminate na ang interpelasyon para sa OP at PMS budget bilang pagpapakita ng institutional courtesy sa ehekutibo na co-equal branch gayundin para sa Pangulo ng bansa na dating kasamahan nila sa Senado noong 15th at 16th Congress.

Ang OP budget ay tumaas ng 66.2 million dahil malaking bahagi ng pondo ay gagamitin sa pag-host ng Pilipinas sa ASEAN at iba pang related meetings sa susunod na taon.

Binigyang-diin pa ni Estrada na ang OP ay nakatanggap ng unqualified opinion o pinakamataas na audit approval mula sa Commission on Audit (COA) mula 2022 hanggang 2024.

Facebook Comments