Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na may sapat pang pondo ang pamahalaan para tugunan ang mga kalamidad na posibleng maranasan ng bansa hanggang sa katapusan ng taon.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DBM Secretary Wendel Avisado na may natitira pang P3.6 billion na National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) fund at P10.1 billion na contingency fund ang gobyerno.
Gayunman, aminado ang kalihim na mahirap para sa mga lokal na pamahalaan na makakuha agad ng pondo dahil kinakailangan pa itong dumaan sa proseso.
Pero aniya, walang dapat ipag-alala ang mga Local Government Unit (LGU) na labis na sinalanta ng Bagyong Quinta at Rolly dahil may Quick Response Fund (QRF) naman ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
“Nire-replenish po namin ito everytime na ma-defleat, magre-request po sila so hindi po kailangang maghintay nang matagal kaya nga po kada may kalamidad nagpe-preposition na agad ang DSWD, DA, DOH, DPWH, madali po silang nakakapag-mobilize,” paliwanag ni Avisado.
“Lamang sa panig ng mga lokal, ‘yon nga po ang medyo may kahirapan. Dadaan sa proseso ‘yan, kasi magkakaroon po muna ng post disaster assessment report para makita ang lawak at laki ng kailangang pondo,” dagdag pa ng kalihim.
Kaugnay naman ng isinusulong na pagbuo ng Department of Disaster Reliance, nilinaw ni Avisado na hindi ito nangangahulugang nakukulangan si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginagawa ng NDRRMC.
“Sa pananaw ng Pangulo, kung pwede pa ma-improve ang sistema, mas mabuti. ‘Yon lang naman po ang kanya dahil sa totoo lang po, kung kalat-kalat naman, kailangang buuin mo, kailangan magkaroon ka pa ng council. Ang kahandaan ang pinag-uusapan e,” giit ni Avisado.
Matatandaang simula 2017, hinihiling na ng Pangulo sa Kongreso na magpasa ng panukala para sa pagbuo ng bagong ahensyang tututok sa disaster management.