Muling tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na walang dapat ipangamba ang lahat ng miyembro nito dahil sapat at matatag ang kanilang pondo para mapanatili ang mga benepisyo at mabayaran ang mga obligasyon nito sa mahabang panahon.
Taliwas sa inihayag ng isang pahayagan na maaaring malugi ang PhilHealth ng P57 bilyon noong nakaraang taon, ang PhilHealth ay nakapagtala ng P32.84 bilyong kita sa taong 2021, mas mataas ng P2.8 bilyon mula sa nakaraang taon, matapos maibawas ang P140 bilyong bayad para sa benepisyo ng mga miyembro. Tumaas din ng 27% ang kabuuang asset nito na umabot sa P347.48 bilyon noong 2021.
Noong Hunyo 2022 naman ay umabot sa P188 bilyon ang reserbang pondo ng PhilHealth, mas mataas ng 6.7% sa P176.6 bilyon noong 2021. Ang financial standing na ito ng PhilHealth ay malinaw na indikasyon na ang pondo ay nananatiling malusog at matatag, at kaya nitong tustusan ang mga benepisyong ibinibigay sa mga miyembro sa pangmatagalan.
Ang mga kontribusyon naman mula sa Direct Contributors ay isa sa pangunahing pinagmumulan ng pondo ng PhilHealth para maisakatuparan ang Universal Health Care Law. “Ang pagtaas ng collection efficiency mula sa Direct Contributors, national government subsidy para sa premium ng Indirect members, at kita mula sa matalinong investments ay nakatutulong upang mapanatiling matatag ang ating pondo”, pahayag ni Atty. Eli Dino D. Santos, kasalukuyang Officer-in-Charge ng ahensiya.