Nananawagan si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go sa mga economic managers na pagtuunan at hanapan ng dagdag na pondo ang Universal Health Care (UHC) Law.
Apela ito ni Go, kasunod ng pahayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ipagpapaliban muna ang pagpapatupad sa mga programa sa ilalim ng UHC Law dahil magkukulang na ito ng pondo sa susunod na apat na taon.
Ikinatwiran ng PhilHealth na malaki ang inilalabas nitong pondo ngayong may COVID-19 pandemic pero bumaba ang koleksyon dahil maraming nawalan ng trabaho at negosyo ang hindi na nakapaghulog.
Humihingi ang PhilHealth ng ₱150 billion na subsidy sa gobyerno pero mahigit ₱70 billion lang ang ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) ngayon at sa susunod na taon.
Giit ni Senator Go, dapat matupad ang itinatakda ng UHC Law na pagsagot sa pangangailangang pangkalusugan ng mga mahihirap.
Binigyang-diin ni Go na mahalagang maitaas ang subsidy sa PhilHealth dahil napaka-importante nito sa health care system ng bansa lalo na ngayong may pandemya.