Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi maaaring gamitin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang 2022 budget ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Sa ipinadalang sulat ni DBM officer-in-charge Tina Rose Marie Canda kay DMW Secretary Abdullah Mama-o, wala pang karapatan ang kaniyang opisina na pakialaman ang pondo ng POEA dahil hindi pa lubusang naitatatag ang kanilang departamento.
Bukod dito, ilang linggo pa lamang nauupo si Mama-o sa kaniyang tanggapan kung saan nasa ilalim pa rin sila ng tinatawag na two-year transition period.
Nabatid na dahil sa sinasabing transition period, ang mga apektadong ahensiya tulad ng POEA ay magpapatuloy sa kanilang trabaho nang hindi sumasailalim sa DMW.
Nakasaad din sa sulat na ang desisyon sa paggamit ng 2022 budget ng POEA ay manggagaling lamang sa pinuno nito na si Administrator Bernard Olalia.
Iginiit pa ni Canda na maging si Executive Secretary Salvador Medialdea ay hindi rin sang-ayon na gamitin ng DMW ang pondo ng POEA at kaniya na rin ipinaaabot kay Mama-o ang nararapat na gawin nang naaayon sa batas.