Pondo ng Senado sa 2026, halos kalahati ang ibinaba

Bumaba ng halos kalahati ang pondo ng Senado para sa susunod na taon.

Tinukoy sa budget hearing na mula sa ₱13.93 billion ngayong 2025, bumaba sa ₱7.56 billion ang pondo ng mataas na kapulungan sa 2026.

Sinabi ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na ang orihinal na hiniling ng Senado na pondo para sa susunod na taon ay ₱9.67 billion, ngunit binawasan ito ng Department of Budget and Management (DBM) ng ₱2.1 billion.

Hiniling ng pamunuan ng Senado na maibalik kahit ₱1.2 billion sa kanilang panukalang 2026 budget upang maging ₱8.725 billion ito.

Samantala, paliwanag ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, kaya malaki ang ibinaba ng budget para sa susunod na taon ay dahil wala nang alokasyon para sa ipinatatayong New Senate Building sa Taguig City.

Napondohan na aniya sa ilalim ng 2024 o 2025 budget ang pagtatayo ng Senate Building kaya wala nang alokasyon sa 2026 budget.

Facebook Comments