Pondo ng TESDA sa 2022, pinababawasan; mga isyu at iregularidad ng ahensya, nais ipasilip sa Kamara

Pinababawasan ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang P14.75 billion 2022 budget ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Bago i-terminate ang “period of sponsorship and debate”, nagpahayag ng manifestation si Quimbo na tapyasan ang pondo ng TESDA sa 2022 at ibase ang halaga ng budget sa tunay na ‘absorptive capacity’ ng ahensya.

Matatandang naipagpaliban na noong una ang pagtalakay sa budget ng TESDA sa plenaryo dahil sa mahimalang paggastos ng ahensya sa unobligated funds na P4 billion sa loob lamang ng 13 araw para sa scholarship programs.


Bukod dito, mayroon ding hindi nagamit na pondo ang TESDA na P4.3 billion sa 2020 at P11.9 billion sa 2021 na ipinalilipat na lamang ng minorya sa mga programa para sa mga MSMEs na apektado ng pandemya.

Nakwestyon din ang TESDA dahil ito ang nagbibigay ng scholarships at siya ring tumatanggap ng scholarship funds na malinaw na mayroong “conflict of interest”.

Iginiit ni Quimbo na hindi siya makakapayag na maglalaan ang Kongreso ng alokasyon sa mga ahensyang pababayaan lamang ang pondo o kaya ay gagamitin sa mga ill-targeted programs.

Bukod sa tapyas sa pondo sa TESDA ay hiniling din ni Quimbo sa Good Government and Public Accountability na imbestigahan ang mga paiba-ibang pahayag at maanomalyang “practices” ng TESDA at pinatitiyak na mapapanagot ang mga opisyal na responsable rito.

Facebook Comments