Pondo para sa ayuda sa lungsod ng Maynila, hindi sapat ayon sa lokal na pamahalaan

Aminado ang lokal na pamahalaan ng Maynila na kulang o hindi sapat ang nakuha nilang pondo mula sa national government para sa pamamahagi ng ayuda.

Sa pahayag ni Mayor Isko Moreno, nasa P1.4 bilyon ang natanggap ng lokal na pamahalaan bilang ayuda sa mga residente ng lungsod na naapektuhan ng ipinatupad na Enhance Commumity Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Pero aminado ang alkalde na hindi ito sapat lalo na’t nasa higit 300,000 na pamilya sa lungsod ng Maynila ang nakatakdang mabigyan ng ayuda.


Bunsod nito, plano ng Manila LGU na maglaan ng P35 milyun na karagdagang pondo para mabigyan ang lahat ng benepisyaryo.

Matatandaan na noong Abril ngayong taon, nasa P1.52 bilyon ang natanggap ng lokal na pamahalaan bilang ayuda mula sa gobyerno sa kasagsagan ng ECQ na ipinatupad sa NCR Plus bubble.

Iginiit naman ni Moreno na ang mahalaga sa ngayon ay maipamahagi na agad ang ayuda mula sa national government dahil marami ng Manileño ang naghihirap ang kalagayan dahil sa inilatag na ECQ sa Metro Manila.

Para naman masiguro ang kaligtasan at kaayusan sa pagkuha ng ayuda at masunod na rin ang guidelines sa health protocols, batch-by-batch ang ginawang schedule ng mga benepisyaryo kada barangay.

Facebook Comments