Sa proposed 2023 national budget ay itinaas ng Marcos administration sa 10-billion pesos ang kasalukuyang ₱5.62 billon na pondo para sa “Barangay Development Program” ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Layunin ng programa na suportahan sa pamamagitan ng socioeconomic development projects ang mga komunidad na nalinis na mula sa mga rebelde.
Matapos isumite ang proposed 2023 budget sa Kamara ay inihayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nasa ₱28.9 billion ang pondo para sa “Local Government Support Fund.”
Dagdag ni Pangandaman, mayroong ₱13.9 billion na pondo para sa “Growth Equity Fund” na laan sa mga 4th, 5th at 6th municipalities at barangays, upang mabigyan sila ng mga programa at proyekto at makahabol sa mga mas matataas na bayan.
Binanggit din ni Pangandaman ang financial assistance para naman sa mga lokal na pamahalaan na nagkakahalaga ng ₱5 billion.