Isinulong ni House Deputy Speaker Ralph Recto na maipagpaliban sa ikalawang Lunes ng Mayo 2024 ang Barangay at Sangguniang Kabataan o BSK Elections na nakatakda sa darating na December 2022.
Sa inihaing House Bill 2185, iginiit ni Recto na ang savings o hindi pa nagagamit na P8.4 billion para sa Barangay elections ay mainam na ilaan na lang sa mga programa ng Department of Agriculture o DA na layuning matiyak ang “food security and sufficiency” para sa 109 milyong Pilipino.
Tinukoy ni Recto ang mga proyekto ng DA na magpapalakas sa “Plant, Plant, Plant Program” at “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat o ALPAS laban sa COVID-19.”
Ayon kay Recto, kabilang dito ang subsidiya para sa mga binhi at abono; credit at logistical support; modernong teknolohiya sa pagsasaka; farm-to-market roads, irigasyon o patubig, at post-harvest facilities.
Diin ni Recto, mahalaga ang nabanggit na mga programa para matugunan ang nagbabadyang global food crisis na dala ng COVID-19 pandemic, isyu sa supply chain, energy crisis, tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, mataas na presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.