Kinumpirma ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na hindi kasama sa proposed 2023 national expenditure program ang pondo sa muling pagbubuhay ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Noong Mayo ay sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nirerebyu nito ang rekomendasyon ng South Korea sa posibleng pagbuhay sa naturang planta na ginawa ng kaniyang namayapang ama at dating pangulo na si Ferdinand Marcos Sr.
Interesado rin aniya si Marcos na gamitin ito upang magbigay ng mas murang pagkukunan ng enerhiya sa ilang bahagi ng bansa pero pinalagan ito ng ilang lugar bunsod ng banta nito sa kaligtasan at kapaligiran.
Sa kabilang banda, sinabi ni Pangandaman na malaking bahagi ng pondo ng Department of Energy (DOE) ay nakalaan sa ilang malaking proyekto ng Marcos administration katulad ng paghahanap ng renewable energy sources.
Mababatid na plano na gumasta ng gobyerno ng 453.11 billion pesos o katumbas ng 8.6% ng 2023 budget para sa mga proyekto upang tugunan ang climate change.