Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroon ang kanilang ahensya na sapat na pondo na pantulong sa mga lugar na tatamaan ng mga kalamidad o sakuna hanggang sa katapusan ng 2022.
Ito ay kasunod na rin ng magnitude 6.4 na lindol sa Abra at posibleng hagupit ng Bagyong Paeng.
Ayon kay DSWD Undersecretary Eduardo Punay, mayroon pang available na higit P1.4 billion na pondo para sa stockpiles at standby funds ng kagawaran, kung saan mahigit P450 million dito ay available standby funds para sa central office at field offices.
Samantala, sinabi ni Punay na nagsimula na ang DSWD sa pamimigay ng tulong sa mga naapektuhan ng nasabing lindol sa Abra.
Nakapagbigay na aniya ng tulong pinansyal sa Dingras, Ilocos Norte sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa walong pamilya na nasira ang mga bahay.
Habang, nakapagpamahagi na rin ng P5,000 sa pitong indibidwal sa Abra na nasugatan sa lindol.
Dagdag pa ni Punay, may kabuuang 236 family food packs na nagkakahalaga ng P160,000 ang naipamahagi na sa Abra at nakapagbigay din ng mga modular tents.
Sinabi rin ng opisyal na nasa kabuuang P198,000 halaga ng humanitarian assistance ang naibigay sa mga biktima ng lindol.