Hindi pa dapat tuluyang alisin ang pondo para sa COVID-19 response kahit idineklara na ng World Health Organization (WHO) na hindi na maituturing na isang global health emergency ang COVID-19.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Senator JV Ejercito, Vice Chairman ng Committee on Health na malaking factor ang anunsyong ito ng WHO lalo pa’t parang endemic at regular na ubo at sipon na lang ang COVID-19.
Pero iginiit ni Ejercito na hindi pa rin dapat balewalain ng gobyerno na tumataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa bansa kaya kailangan na mayroon pa ring alokasyon para sa bakuna sa ilalim ng 2024 national budget.
Paliwanag ng senador, hindi pa rin dapat tuluyang alisin ang budget para sa pagtugon sa COVID-19 dahil tulad ng ibang mga sakit na nangangailangan ng basic vaccines ay ganito rin ang COVID-19.
Mahalaga aniya na may pondo pa rin para sa bakuna dahil ito ay dagdag na panlaban at proteksyon sa nasabing sakit at marami pa rin ang mangangailangan sa bakuna at booster lalo na sa mga kabataan.
Dagdag pa ni Ejercito, may mga programa o item sa ilalim ng COVID-19 response na maaaring tanggalan na ng pondo sa susunod na taon at inirekomendang ilipat na lamang ito sa pagpapahusay ng health facilities ng bansa.