Pinadaragdagan ni Senator Nancy Binay ang pondo para makabili ang Department of National Defense (DND) ng karagdagang equipment para sa disaster rescue response.
Sa deliberasyon ng budget ng DND sa plenaryo para sa taong 2025, sinabi ni Binay na magpapanukala siya sa period of amendments na dagdagan ang kapabilidad ng ating sandatahang lakas sa pagsasagawa ng rescue operations.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, ang sponsor ng DND budget sa plenaryo, kasalukuyan ay mayroon nang apat na rescue helicopters at apat na C130 ang AFP at may inaasahan pang darating na tatlo pang C130 at 17 pang Black Hawk helicopters.
Magkagayunman, kailangan pa aniya ng AFP ng mga heavy lift helicopter na walang pinaglaanang budget para sa susunod na taon.
Nangako naman si Binay na magsusulong siya ng dagdag pondo para sa pagbili ng AFP ng ganitong kagamitan lalo na’t dahil sa climate change ay mas tumitindi ang epekto ng bagyo sa ating bansa.