Muling nanawagan ang Department of Budget and Management (DBM) sa Department of Health (DOH) na madaliin na ang pagsasapinal ng Health Emergency Allowances mapping at alamin kung saan nagtatagal bago mailabas ang mga kulang na bayad sa mga health workers.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nag-request na sila sa DOH na magkaroon ng mapping para hindi mahirapan sa listahan ng mga ospital lalo na’t medyo mahirap talaga ang pag-validate sa mga ospital at mga pangalan.
Umaasa ang kalihim na matatapos na agad ito ngayong buwan lalo na’t naibigay na sa DOH ang lahat ng pondo para sa benepisyo ng healthcare workers.
Sa ngayon, aabot na sa P91.283 billion ang pondong nailabas ng DBM kabilang na ang para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances, Health Emergency Allowance, Special Risk Allowance, COVID-19 Sickness and Death Compensation at iba pang benepisyo gaya ng pagkain, accommodation at transportation allowance.