Manila, Philippines – Pinatitiyak ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez sa gobyerno na may sapat na pondo para sa pagpapalit ng uri pamahalaan sa Federalism.
Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, iginiit ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan, Chairman ng RDC-Cordillera Administrative Region, na magiging masalimuot ang transition ng pamamahala hindi lang sa national kundi maging sa lokal na pamahalaan.
Magiging problema din aniya ang pondo at paghahati ng kapangyarihan kaya kailangan munang tiyakin kung anong porma ng federalismo ang kanilang i-a-adapt.
Ayon kay Benitez, para maging posible ang pag-unlad ng mga magiging federal states ay kailangang tiyakin na naaangkop ang paghahati ng pondo sa mga ito upang mapaunlad ng bawat estado ang kanilang ekonomiya, negosyo, natural resources at sariling kita.
Sinabi naman ni Bureau of Investments ARMM Chairman Ishak Mastura na ayusin din ang inter-governmental relations kung gustong palakasin ng gobyerno ang bawat states sa ilalim ng Federalism.