Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman na tinaasan ang pondong nakalaan sa pagpapatupad ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Pangandaman, nagkakahalaga ito ng P28.58 bilyon na mas mataas ng 6.6% kumpara sa P26.81 bilyong pondong inalaan para sa nasabing programa noong 2023.
Gagamitin ang kabuuang alokasyon ng naturang prograna para sa pagpapatayo, pag-upgrade, o pagpapalawak ng mga pasilidad pang-kalusugan ng gobyerno sa buong bansa.
Bukod dito, ilalaan ang pondo para sa pagbili ng kagamitan sa ospital at mga sasakyan na gagamitin bilang medical transportation.
Bibigyang-prayoridad ng programang ito ang mga Universal Health Care (UHC) sites at mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAS).
Kasama din dito ang pag-upgrade ng mga pangunahing pasilidad para sa matatag na pagtugon sa COVID-19 at iba pang mga future public health emergencies na maaaring maganap kabilang ang pagpapalakas at pagpapabilis ng mga ongoing project construction.
Sinabi ni Pangandaman na ito ay alinsunod sa adhikain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magpatupad ng reporma sa sektor ng kalusugan sa bansa.