Pondo para sa pagbibigay ng livelihood program sa mga mangingisdang pumapalaot sa WPS, dadagdagan ayon sa BFAR

Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi titigil ang gobyerno sa pagbibigay ng tulong sa mga mangingisdang pumapalaot sa West Philippine Sea (WPS) para mangisda.

Ito ay sa harap na rin ng hamon na kanilang kinakaharap sa pangingisda sa lugar dahil sa maritime dispute sa pagitan ng China.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera na mayroong mahigit 385,000 mangingisda ang pumapalaot sa WPS.


Sila ay nakatira sa mga lalawigang nakaharap sa WPS na patuloy na tinutulungan ng pamahalaan.

Sinabi ni Briguera, dagdagan ng pamahalaan ang pondo para sa mga programa sa mga mangingisda.

Nang nakaraang taon aniya, mayroong 80 milyong pisong pondo ang inilaan ng gobyerno para sa mga mangingisdang ito sa pamamagitan ng inilunsad na programang LAYAG o Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yield and Economic Gains from WPS na sinimulan nang nakaraang taon.

Bukod sa dagdag na pondo para sa programang ito, sinabi ni Briguera na magkakaroon rin ng dagdag na floating assets ang BFAR at may schedule para maglayag sa Scarborough Shoal upang magbigay ng livelihood training sa mga mangingisda na nangingisda sa WPS.

Facebook Comments